Nananawagan ang Magna Kultura sa mga nais mag-boluntaryong magturo ng Larong Pinoy. Ilulunsad ng Larong Pinoy sa sa mga mababang paaralang ng ka-Maynilaan at sa mga probinsya ng Luzon mula sa buwan ng Agosto 2008 hanggang Pebrero 2009. Ang mga nais mag-boluntaryo ay bibigyan ng pagsasanay sa pamamaraan ng pagtuturo ng bawat laro. Bawat boluntaryong matagumpay na makakapagtapos ng pagsasanay sa ilalim ng Magna Kultura ay magiging kabilang sa mga gurong ipapadala sa mga paaralan at magkakaroon din ng sahod at panustos.
Matapos ang matagumpay pagpapalaganap ng Larong Pinoy sa mga Barangay sa ka-Maynilaan at ilang bayan sa Luzon noong nakaraang bakasyon, ngayon nama'y ilulunsad ang mga laro sa mga mababang paaralan bilang regular na pagtuturo ng edukasyong pampalakasan (P.E. subjects). Sa kasalukuyan ay nauugnayan ang Magna Kultura at Kagawaran ng Edukasyon sa palatuntunang gaganapin sa mga paaralan at pinaplano ang listahan ng mga paaralang dadaanan ng programa.
Sa programang Larong Pinoy ng Magna Kultura, itinuturo sa mga kabataan ang mga detalye ng paglalaro ng bawat larong Pinoy, gaya ng Tumbang Preso, Patintero, Piko, Sipa, Luksong Tinik, Holen, at iba pang mga paburitong laro. Masusing itinuro sa mga kabataan ang pamamaraan ng paglaro, mula sa pag-guhit ng palaruan hanggang sa mga tamang hakbang at posisyon, pati ang mga paraan kung paanong manalo sa laro.
Bukod sa normal na paraan ng paglalaro (game mechanics), inilunsad ng Magna Kultura ang istilong "Eskwe-Laro" sa pagtuturo ng mga laro, kung saan ginagabayan ang mga bata ng mga masusing pagsasanay bawat laro. Ang mga detalyadong pagsasanay (systematic drills) ay ibinibigay sa mga kabataan bago maglaro. Halimbawa na lamang ay sa pagtuturo ng Piko: may mga pagsasanay tungkol sa tamang pagbato ng pamato, tungkol sa pagbalanse habang humahakbang, at pati sa pagpulot ng pitsa.
Gayun din sa Tumbang preso o sa Patintero; itinuturo ang mga tamang paghakbang, posisyon ng mga kamay at katawan. At masaya namang naghahagikgikan ang mga bata habang itinuturo ang mga ito. Ang mga magulang naman ay namamangha dahil talagang sayentipiko rin daw ang pagtuturo ng mga laro.
Ang Larong Pinoy ay itinataguyod ng Magna Kultura sa mga kabataan sa panahong ito upang:
Una: Malaman ng mga kabataan ang kasiyahan ng mga larong kinagisnan ng kanilang mga magulang at ninuno;
Ikalawa: Upang magkaroon sila ng larong magbibigay buhay at lakas sa kanilang mga katawan
Ikatlo: Upang magkaroon ng sila ng karanasan sa mga laro na magiging daan ng pakikipagtalastasan sa kanilang mga magulang, pati na sa kanilang mga lolo at lola;
Ikaapat: Upang magkaroon sila ng kanilang mga kababata ng magagandang alala na minsan din ay nilaro nila ang mga larong katutubo;
Ikalima: Upang muling bigyang buhay ang kapit-bahayan sa kasiyahan ng batang naglalaro sa lansangan.
Maraming bagay ang maidudulot ng Larong Pinoy, ngunit ang pinakamahalaga sa lahat ay binubuhay natin sa mga kabataan ang pagtangkilik sa mga bagay na maka-Pilipino, ang mahalin ang saring atin. Ang pagtuturo ng Larong Pinoy sa mga kabataan ay isang paraan upang ipamahagi sa mga kabataan ang pagmamahal sa diwang Pilipino.
Sa gitna ng modernisasyon, ipinamamahagi ng Magna Kultura sa mga kabataan ang pagtangkilik sa mga Laro bilang pagsariwa sa mga pamana ng ating lahi at pagpapaalala na tayo'y mga Pilipino na may mga kalinangang maipagmamalaki. Sa ganitong paraan, kahit man lamang sa Larong Pinoy, ay naihahanda natin ang mga kabataan na maging tunay na mga Pilipino.
Buhayin natin ang mga laro ng ating lahi sa ating mga kumunidad, turuan ang mga kabataan na mahalin ang saling atin!
____________________________________________________
Para sa mga nais maging boluntaryo sa Larong Pinoy na ilulunsad sa mga paaralan ngayong Agosto 2008 (hanggang Pebrero 2009), makipagugnay lamang sa tanggapan
Magna Kultura Foundation:
(a) Sumulat sa magnakultura.admin@gmail.com
(b) Tumawag sa numero ng teleponong 721-7763
(c) Tumawag o mag-text sa numero ng celphone na 0917-8990025
-
No comments:
Post a Comment